Fe Nuñez Unlimited

Simple pleasures are the essence of life.

Jan 28

[PV] RADWIMPS [ふたりごと] Futarigoto

Category: sugoi

Thanks to JC-san for introducing me to Radwimps :D
You might also want to check out Futarigoto’s live version.

3 comments

Dec 26

ang Love Your Body card ng The Body Shop

Category: suki cards

Hindi ako makapaniwala! Sa loob ng mahigit walong taon kong pagtangkilik ng White Musk perfume ng The Body Shop ay nagakaroon din sila ng sarili nilang membership card – ang “Love Your Body” card. Dati, yung GenText ng Globe ang gamit ko para lang maka-discount doon tuwing bibili ako ng White Musk, sabay tanong, “Excuse me, do you still honor GenText here?” Pero saglit lang yun. Di na tinatanggap ng The Body Shop ang GenText, kaya talagang sinisimot ko yung pabango ko bago bumili - mahal kasi pag hindi discounted.

Kaa-apply ko lang nung December 24 sa Love Your Body Club. Isinabay ko yung Love Your Body Club membership sa pagbili ko ng isang set ng White Musk products (wag mo ng itanong kung magkano). Halos isang linggo na rin kasi akong walang pabango. Nagbabakasakali kasi ako na may magreregalo ng White Musk perfume… eh mukhang malabo, kaya niregaluhan ko na lang yung sarili ko. Hehehe.

Love Your Body Card ng The Body Shop Para sa inyong dagdag kaalaman, ang Love Your Body card o LYB Card ay higit pa sa loyalty card. Kung ikaw ay nagpamiyembro, sa halagang PHP 300, makakakuha ka ng (galing ang mga sumusunod sa papel na may listahan ng perks ng LYB Card):

  • special welcome gift (Nakakuha ako ng Mint Lip Care Stick na sabi ng sales lady ay worth PHP 295, so parang PHP 5 lang ang ibinayad ko para sa LYB Card. Ayos!)
  • exclusive Love Your Body card that can let you earn points every purchase (PHP 100 = 1 point). Accumulate your points and use it to purchase products at any The Body Shop outlets nationwide. (Except Duty Free stores daw. Bakit kaya?)
  • rewards program where you get to accumulate vouchers with your purchase
  • special and exclusive promotions for members only (Siyempre, hindi ito pwedeng mawala.)
  • birthday privilege of a one-time 20% discount on regular items on your birthday month (excited na akong mag-October!)
  • (as useless) exclusive updates and special reviews of new products and events

Hindi ko ina-advice na mag-avail ng LYB card ang mga taong hindi naman talaga tumatangkilik ng The Body Shop, lalo na kung wala kayong tiyagang magbitbit ng wallet o lalagyan ng mga discount cards na pwede n’yong hugutin ng mabilisan. Pero kung adik ka talagang mangolekta ng discount o suki cards, sige lang. Go! Walang pumipigil sayo. ^_^

3 comments

Sep 24

ang aking panimula

Category: background

Noong 2006, nag-usap-usap kami ng mga dati kong kaopisina tungkol sa mga plano namin sa buhay. Isa lang ang napagkasunduan namin… ayaw naming maging empleyado lang habangbuhay.

Nang mga panahong iyon, dahil nagtatrabaho kami sa isang web development company, natutunan namin kung paano ang mga pasikut-sikot sa paggawa ng isang website at kung paano ito kumikita. Nalaman din namin ang ‘passive income’ at ‘work at home’ benefits ng pagkakaroon ng isang website. Dahil dito, napagkasunduan namin na ang solusyon sa aming pangarap ay magtayo ng kani-kanyang website na may potensyal na kumita. Pero hindi lamang basta website na kumikita ang gusto kong gawin, gusto ko yung tema ng website ko eh gusto ko rin. Sa ganoong paraan, masaya na nga akong gumagawa ng website ko, kumikita pa ako. Ganun naman talaga dapat eh, masaya ka sa ginagawa mo. Bonus na lang yung kumikita ka ng malaki. Kumbaga sa, bonus yun if “I get paid for doing something I love.”

Mga ilang araw rin ako nag-isip kung ano ang gagawin kong website na talagang gusto ko.

“Alam ko na! Bargain Website!!!” ang nagtatatalon sa tuwa kong ibinalita kay Elvis, isa kong kaibigan at katrabaho, habang naglalakad kami pauwi galing opisina. Tamang-tama yung topic ko kasi adik ako sa mga discounts, sale, at freebies.

Sa sobrang pagiging adik ko, may koleksyon ako ng discount cards at coupons at kilala ako ng mga kaibigan ko at mga kaopisina na palaging may bitbit na isang wallet ng discount cards saan mang store mapadpad. Yung tipong, “Miss, do you honor GenText here?” “Eh yung SM advantage card?” Hehehe. In fact, high school pa lang ako eh palagi na akong niloloko ng isa kong kaklase kung dala ko yung ‘suki card’ ko tuwing mapapadaan kami sa National Bookstore sa Robinson’s Galleria kapag uwian. Ngingiti ako sa kanya, tapos ilalabas ko yung Laking National Card ko at sasabihin with matching 360° roll ng eyes, “Of course!”

Sabi ni Elvis sa website ko, “Go! Umpisahan mo na.”

Kaya lang, maraming kung anu-anong nangyari (wag mo ng ipakwento kasi masyadong hahaba ito), hanggang sa napagpaliban ko na ang aking pangarap na website. Oo, nakakalungkot. Pero hindi ko tuluyang inabandona yung ideya ko nung mga panahong yun. Binili ko yung domain na “sukicard.com” para may entry-point na ako. (Commercial: Nais ko nga palang gamitin ang pagkakataong ito upang magpasalamat kay Linj dahil nakuha ko yung “sukicard” sa testimonial nya sa akin sa friendster. ^_^).

Sa ngayon, yung sukicard.com ay ginagamit ko pang-test ng isa ko pang bagong website at sa pag-aaral ng PHP at MySQL. Time consuming ilipat yung mga laman ng sukicard.com sa isa pang domain, kaya naisipan kong ito na lang fenunez.com muna ang gagamitin kong domain para umpisahan ang aking sukicard website. Sayang naman kasi itong fenunez.com. Mga ilang linggo na rin itong nakatiwangwang na walang kalaman-laman. Hmmmm… baka Wordpress blog muna ang gawin ko para sa sukicard. Saka ko na gagawing website pag bihasa na ako sa programming.

Baka nga itong fenunez.com na lang ang gawin kong discount card and bargain website. Tutal naman isa sa mga paborito kong hobbies ang pagkolekta at paggamit ng discount card, at wala talaga akong masyadong maisusulat dito dahil wala akong balak na gawing personal diary ang isang blog. Para sa akin, may mga bagay o pangyayari na dapat eh pampribado lang talaga and/or hindi na kailangang i-broadcast sa buong mundo, tulad ng mga one-liner blog post na “I feel sick.” “Waste of cyberspace,” ika nga ng officemate kong si Cristina. Pero, kung talagang gusto mong maglagay ng one-liner updates, may lugar sa web para sa mga ganun (gaya ng twitter.com).

Ito ang history ng sukicard.com. Pag may oras ako ngayong linggo, uumpisahan ko ng ipakilala sa inyo ang mga discount cards ko at perks ng bawat isa para malaman nyo kung bakit ako nahuhumaling sa mga discount cards. Hanggang sa muli!

7 comments

« Previous Page