Archive for September, 2007
ang aking panimula
Noong 2006, nag-usap-usap kami ng mga dati kong kaopisina tungkol sa mga plano namin sa buhay. Isa lang ang napagkasunduan namin… ayaw naming maging empleyado lang habangbuhay.
Nang mga panahong iyon, dahil nagtatrabaho kami sa isang web development company, natutunan namin kung paano ang mga pasikut-sikot sa paggawa ng isang website at kung paano ito kumikita. Nalaman din namin ang ‘passive income’ at ‘work at home’ benefits ng pagkakaroon ng isang website. Dahil dito, napagkasunduan namin na ang solusyon sa aming pangarap ay magtayo ng kani-kanyang website na may potensyal na kumita. Pero hindi lamang basta website na kumikita ang gusto kong gawin, gusto ko yung tema ng website ko eh gusto ko rin. Sa ganoong paraan, masaya na nga akong gumagawa ng website ko, kumikita pa ako. Ganun naman talaga dapat eh, masaya ka sa ginagawa mo. Bonus na lang yung kumikita ka ng malaki. Kumbaga sa, bonus yun if “I get paid for doing something I love.”
Mga ilang araw rin ako nag-isip kung ano ang gagawin kong website na talagang gusto ko.
“Alam ko na! Bargain Website!!!” ang nagtatatalon sa tuwa kong ibinalita kay Elvis, isa kong kaibigan at katrabaho, habang naglalakad kami pauwi galing opisina. Tamang-tama yung topic ko kasi adik ako sa mga discounts, sale, at freebies.
Sa sobrang pagiging adik ko, may koleksyon ako ng discount cards at coupons at kilala ako ng mga kaibigan ko at mga kaopisina na palaging may bitbit na isang wallet ng discount cards saan mang store mapadpad. Yung tipong, “Miss, do you honor GenText here?” “Eh yung SM advantage card?” Hehehe. In fact, high school pa lang ako eh palagi na akong niloloko ng isa kong kaklase kung dala ko yung ‘suki card’ ko tuwing mapapadaan kami sa National Bookstore sa Robinson’s Galleria kapag uwian. Ngingiti ako sa kanya, tapos ilalabas ko yung Laking National Card ko at sasabihin with matching 360° roll ng eyes, “Of course!”
Sabi ni Elvis sa website ko, “Go! Umpisahan mo na.”
Kaya lang, maraming kung anu-anong nangyari (wag mo ng ipakwento kasi masyadong hahaba ito), hanggang sa napagpaliban ko na ang aking pangarap na website. Oo, nakakalungkot. Pero hindi ko tuluyang inabandona yung ideya ko nung mga panahong yun. Binili ko yung domain na “sukicard.com” para may entry-point na ako. (Commercial: Nais ko nga palang gamitin ang pagkakataong ito upang magpasalamat kay Linj dahil nakuha ko yung “sukicard” sa testimonial nya sa akin sa friendster. ^_^).
Sa ngayon, yung sukicard.com ay ginagamit ko pang-test ng isa ko pang bagong website at sa pag-aaral ng PHP at MySQL. Time consuming ilipat yung mga laman ng sukicard.com sa isa pang domain, kaya naisipan kong ito na lang fenunez.com muna ang gagamitin kong domain para umpisahan ang aking sukicard website. Sayang naman kasi itong fenunez.com. Mga ilang linggo na rin itong nakatiwangwang na walang kalaman-laman. Hmmmm… baka Wordpress blog muna ang gawin ko para sa sukicard. Saka ko na gagawing website pag bihasa na ako sa programming.
Baka nga itong fenunez.com na lang ang gawin kong discount card and bargain website. Tutal naman isa sa mga paborito kong hobbies ang pagkolekta at paggamit ng discount card, at wala talaga akong masyadong maisusulat dito dahil wala akong balak na gawing personal diary ang isang blog. Para sa akin, may mga bagay o pangyayari na dapat eh pampribado lang talaga and/or hindi na kailangang i-broadcast sa buong mundo, tulad ng mga one-liner blog post na “I feel sick.” “Waste of cyberspace,” ika nga ng officemate kong si Cristina. Pero, kung talagang gusto mong maglagay ng one-liner updates, may lugar sa web para sa mga ganun (gaya ng twitter.com).
Ito ang history ng sukicard.com. Pag may oras ako ngayong linggo, uumpisahan ko ng ipakilala sa inyo ang mga discount cards ko at perks ng bawat isa para malaman nyo kung bakit ako nahuhumaling sa mga discount cards. Hanggang sa muli!
7 comments